Marcos nanawagan sa Kongreso na bigyang-prayoridad ang Anti-Dynasty at People’s Commission bills

 

Courtesy: Bongbong Marcos/ Facebook
Courtesy: Bongbong Marcos/ Facebook

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga mambabatas na tutukan at pabilisin ang pagtalakay sa Anti-Dynasty Bill at sa panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act.

Kinumpirma ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes matapos ang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ginanap sa Malacañang.

Ayon sa Malacañang, ilang panukala ang nakabinbin na kapwa inihain sa Kamara at Senado na layong ipatupad ang probisyon ng 1987 Konstitusyon laban sa pag-usbong ng mga dinastiyang politikal. Matatandaang noong kampanya sa pagkapangulo noong 2022, sinabi ni Marcos na hindi umano awtomatikong masama ang pagkakaroon ng political dynasties.

Samantala, may dalawang panukalang batas din sa Senado na nagmumungkahi ng pagtatatag ng Independent People’s Commission. Layunin ng IPC na magsilbing permanente, nagsasarili, at walang kinikilingang ahensya na mag-iimbestiga sa umano’y katiwalian at iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Sen. Bato Dela Rosa, Hindi na Raw Ma-contact at Di Matukoy kung Nasa Bansa Pa

Gayunman, sinabi rin ni Castro na posibleng magkaroon ng magkakaparehong tungkulin ang IPC sa Office of the Ombudsman at Department of Justice, lalo’t pareho nitong tinututukan ang mga kasong may kinalaman sa katiwalian sa imprastruktura.

Bukod sa Anti-Dynasty at IPC bills, hinikayat din ng Pangulo ang Kongreso na isama sa mga prayoridad ang pagpasa ng Party-list System Reform Act at ng Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act. Nilalayon ng mga panukalang ito na palakasin ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.

Hiniling ni Marcos sa parehong kapulungan na masusing suriin ang naturang apat na panukalang batas at agad itong isulong para sa pinal na pagpapatibay.

Dumalo sa pulong ng LEDAC sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, House Speaker Faustino Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at iba pang lider ng lehislatura.

Napag-usapan din sa pulong ang iskedyul ng pag-apruba sa General Appropriations Bill at ang target na panahon ng pagsusumite ng naka-enroll na panukalang badyet para sa pirma ng Pangulo.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na impormasyon kung kailan inaasahang lalagdaan ni Marcos ang panukalang national budget para sa taong 2026.

Post a Comment

Previous Post Next Post