Muling napasabak sa kontrobersiya ang tinaguriang "Gayuma Bride" matapos siyang sampahan ng kasong sibil ngayong linggo. Lumapit ang mga wedding organizer na kanilang kinontrata kay Senador at media personality Raffy Tulfo upang isiwalat ang tunay na nangyari, na itinampok sa pinakabagong YouTube episode ng programa.
Noong Marso 13, isinalaysay ng mga nagrereklamong sina Arvil Apilado at Vanessa Aleria ng A&A Creations ang magkakasunod na pangyayari na nauwi sa pekeng kasal. Ayon kay Apilado, tinawagan siya ng kanyang in-house photographer na si Gary upang maging wedding organizer sa isang biglaang booking, at pumayag siya kahit na ilang araw na lang ang natitira bago ang event.
Ibinunyag rin ni Apilado na gumamit ng alyas ang "scam bride" sa kanilang preparasyon. Natuklasan nilang ginamit ni Justine Gay Jaudines ang pangalang "Shallene Lorraine Justine Lao Go" sa digital wedding invitations, na ipinadala lamang sa pamilya ng groom. Dahil dito, lumakas ang hinala ng mga organizer na isa itong panloloko.
Samantala, si Aleria naman ang nakatalaga sa mismong araw ng kasal. Bandang alas-8 ng umaga nang hingan niya ng downpayment ang bride. Subalit, napansin niyang tila minamadali siya ng bride na nagpaliwanag na may "komplikasyon" sa bayad dahil confidential umano ang kanyang pamilya. Dagdag pa ng bride, siya raw ay may koneksyon sa mga opisyal ng gobyerno sa Davao—na kalaunan ay napatunayang hindi totoo.
Sa gitna ng talakayan, ibinunyag ni Tulfo na maraming manonood ang nagkomento tungkol sa insidente kung saan binudburan ng asin ng kaibigan ng groom ang ikakasal, na umano'y "nagising" mula sa gayuma. Pagsaboy niya ng asin, parang nanghina si groom, ‘yun ang nakita namin sir. ‘Di naman kami naniniwala sa lumay."
Kalaunan, napagkasunduan nina Tulfo at Aleria na walang naganap na panggagayuma sa groom. Napagtanto nilang gusto lamang makahanap ng paraan ng groom upang makaiwas sa kasal. Lumabas din na ginamit ng bride ang umano'y pagbubuntis at pangakong negosyo upang pilitin ang lalaki na pumayag sa kasal.
Ayon sa Compromise Agreement, kailangang bayaran ni Jaudines ang 25 organizers bago ang Marso 21, 2025. Mula sa dating halaga ng kontrata na ₱270,000, napagkasunduang maging ₱98,000 matapos ang negosasyon sa pagitan ng mga supplier.
Dahil dito, nagsampa si Tulfo ng kasong Estafa laban kay Jaudines sa ngalan ni Apilado. Ayon kay Attorney Garretth Tungol, may sapat na basehan ang kaso. Sinabi ni Tulfo kay Apilado, "Sir Arvil, ituloy na natin ang kasong estafa laban sa kanya.
Matapos ang pagkalat ng isyung ito, lumitaw pa ang ibang ulat na gumagamit umano si Jaudines ng parehong taktika upang pilitin ang iba pang lalaki na pakasalan siya. Ayon sa mga bagong impormasyon, nagpapadala siya ng mga mensahe sa mga kaibigan ng groom upang humingi ng pera sa pamamagitan ng GCash at Paymaya para sa diumano’y kasal.
Nang tanungin si Jaudines tungkol sa isyu, inamin niyang may pagkakautang siya sa mga organizer. "May pagkakautang po talaga ako sa kanila," aniya. Agad naman siyang pinaalalahanan ni Tulfo na kung hindi siya susunod sa kasunduan, sisiguraduhin niyang makukulong ito sa ilalim ng kasong estafa.
Sa huli, inamin ni Jaudines na nagsinungaling siya tungkol sa umano'y koneksyon niya sa direktor ng National Bureau of Immigration (NBI), isang taong malapit kay Tulfo. "Kasalanan ko po talaga ‘yan senador. Wala po akong idedepensa o irereason diyan, kasi kasalanan ko po talaga," aniya.
Bagamat inamin niya ang kanyang mga kasalanan, itinanggi pa rin niya ang panggagayuma sa groom. Ayon sa kanya, "In fact, he was the one who offered to marry me." Hindi pa rin malinaw kung siya ay tunay ngang buntis, ngunit ayon kay Tulfo, dapat bayaran niya ang kanyang mga obligasyon. Dagdag pa niya, kung sakaling hindi man panagutan ng groom ang diumano’y pagbubuntis ni Jaudines, siya mismo ang hahanap ng hustisya para dito.
إرسال تعليق